September 18, 2007

kaligayahan sa tag-ulan

nagsimulang pumatak ang mga biyaya mula sa langit. tila mga pilak na kumekenden mula sa mga ulap, paglapag sa lupay nababasag. ambon na wari'y walang katapusan, hindi kayang bilangin nino man.

ibang kasiyahan ang dulot sa akin ng ulan.

noong gradeschool, gusto kong ipagsigawan sa buong bayan na "uy, umuulan!" dahil sa maraming dahilan. Isa na dahil walang pasok sa eskwelahan. ibig sabihin ay maghapon akong magbababad sa t.v namin. maghihintay lang ng oras ng kain almusal na. kung 'di arroz caldo na may atay, ay champorado at tuyo. tapos may gatas na bear brand na mainit. minsan pa, milo na hindi ko masyadong hahaluin para paghigop ko ay buo-buo pa ang granules nito. magkuukulay ng sari-saring coloring books. babasahin ulit an mga librong nabasa na. magtitinda-tindahan na gamit ang mga tinupi naming papel bilang pera. palakihan ng amount na maisusulat dito, hanggang hindi na magkasya ang mga zero. million, trillion, zillion hanggang hindi na namin alam kung ano ang tawag dun.

kapag napagod na ay maiidlip ng kusa. gigising para maligo dahil amoy kama pa. kapag sinusuwerte ay papayagang magtampisaw sa labasan hanggang mangitim na ang mga labi at mangulubot na ang balat sa lamig. Para kaming mga palakang natubigan. Isang rekwang bata na nagsisi-sahod sa alulod. kapag 'di pa nakuntento ay papalahin namin ng tsinelas ang mga tubig na naipon sa tabi ng daan, ipang wiwisik sa kalaro na parang may labanan. Mag-uuwian lang kapag pinagagalitan na ni nanay at pinagbabantaang pagsasarhan ng pintuan.

Pag-uwi ay sandaling magsasabon at magbabanlaw ng katawan. Magpapalit na ng damit na mainit-init pa mula sa aparador na pinaglagyan. Susuklayan ang buhok, bibiihisan, popolbohan at hahalikan. Bukas ulit ng t.v, manonood ng cartoons na ingles o di kaya ay batibot. Sandali na lang at tanghalian naman. Mainit na kanin, tinolang manok na may konting anghang at papayang sahog na may kahinogan. Mainit sa lalamunan na nagbibigay ng ibang klaseng sarap sa nanlalamig na katawan. Pakiramdam ko ay gaya noong ako ay may lagnat at gumaling, niyayakap ako ng maraming beses ng mapawi ang lamig na nararamdaman sa katawan. Masarap ang pakpak, mabuto kasi at malasa. Ayoko ng pitcho, kasi nasapalan ako. Uubusin ang hinain hanggang sa piraso na lang ng luya ang matira. Kakain naman ng saging na pang himagas. bundat na! tutok ulit sa t.v.

pagpatak ng alas tres, oras na para matulog sa tanghali. ito ang pinakamahirap gawin para sa akin. mas masarap kasing manood ng mga naghahabulan sa gitna ng ulan kaysa makipa niig sa unan. pero kailangan ko daw ito sa aking paglaki, bagay ni hindi ko maintindihan ang dahilan. nito na lamang huli ko naisip kung bakit. kasi madalas ngayon, nais kong umidlip sa tanghali. pero hindi na puwede dahil sa trabaho. ang pinakamahirap noong bata ako ay ang mag kunwaring tulog kahit na gising na gising. pipilitin mong isara ang mga mata kahit ang diwa ay mulat na mulat pa. madalas ay nahuhuli ako sa bibig. kaya ko kasing hindi gumalaw pero hindi ko kayang hindi magsalita. ang bumulong o kumanta. may mga panahon ding nakakatulog ako sa pagkukunwari, paggising ko ay para akong nadaya dahil napikit nga ang aking diwa.

paggising ulit, merienda na. turon, saging, kamote, spanish bread na galing pang batangas. bilo-bilo, palitaw, ginataang monggo, arroz caldo o sopas. mga pagkaing masarap namnamin kapag umuulan. kakain ulit at magkukuwentuhan. parang wala na akong alam gawin kung hindi alamin kung kailan kami ulit kakain.

sana nga hindi na tumigil pa ang ulan, dahil sa mga sandaling iyon paraang lahat ay natitigilan. walang minamadali at kailangang maabutan. parang bumabagal kung hindi man ay humihinto ang andar ng oras sa pagitan ng patak ng ulan.

payapa ang aking dibdib.
walang nakatutulig na dagundong ng kulog
o waring nakapupunit na kidlat.

ulan lang.

mga patak
na
nagbabalik
ng
alaala.

hindi mabilang
na
sundang.

pero
hindi nakasusugat
sa
halip
ay
nakapagmumulat.

uulan muli.
sa
iba mang
lugar
at
panahon,

pero
tiyak akong
ito
ay
magiging
mahinahon