August 1, 2008

ilang inog pa ng buwan

Kung bibilangin ko, apat na buwan na lang ay magreresign na ako sa aking trabaho. Siyam na buwan naman ay iiwanan ko na ang pamilya ko. Para akong may sakit na nagbibilang na ng buwan at lilisanin na ang kamulatan.

Para akong nakikipagpatintero sa buwan. Hindi ko alam kung hahatakin ko pabalik ang inog nito o pabibilisin ang pagtakbo. Wala din akong kamalay malay bagong buwan na pala. Ilang panahon pa, buong yabang na namang magliliwanag muli ang kanyang kabuuan sa kalangitan.

Noon, masaya akong tumititig sa kalangitan. Nakatingala ako sa parang pilak ng plato na nakasabit sa ulap. Kung minsan naman ay para itong kesong madilaw at mukhang masarap.

Baku-bako pala ito ayon sa napag-aralan ko, bakit sa malayo at sa unang tingin ay makinis ito? Kagaya din pala siya ng mga pangakong dala n’ya.

‘Kala ko bawat inog ay hindi ko kaiinipan o hindi ko hinihtaying dumating na. Ngayon ay may takot ako sa dibdib. Takot na matuklasan ang tunay na hitsura ng mga buwang darating.

Magiging pilak ba ito na buong kinang na magyayabang o kesong dilaw na napakasarap? Huwag sana akong lansihin na makinis ang lahat gaya ng una kong tingin sa buwan. Matanggap ko sana ang katotohanan ng hitsura nito. Na sa susunod na pag inog ay maaring mukha niyang baku-bako ang makita ko. Pero iinog muli ito at ang mabrilyong pilak naman o ang masarap na keso ang makakaharap ko.

uh princess maureen mhiel at ang mv princess of the stars

pag-alis ni mau at ang barko ng sulpicio lines


May hagulgol akong narinig sa cubicle. Parang iyak ng babae, pamilyar sa akin. Ayokong isipin na kilala ko ang iyak na iyon at alam ko ang dahilan nito.

Pagdating ko sa cubicle, nakakita ako ng naka stapler na papel. Pamiliar ang hitsura, resignation letter pala. Mahirap tanggalin ang staple wire nito, parang ayaw yata magpabasa. Si mau nag resign na!

Siya pala yung umiiyak kanina. Nahirapang mag paalam. Mahigit dalwang taon ko na siyang kasama, isa na rin sa anak anakan ko sa show. Hilahila ang sarili nang tumungo sa amin. Maka ilang ulit siyang humingi ng pasensya dahil iiwanan na daw niya kami. Lilipat siya ng ibang department at magiging regular employee.

Sa pagitan ng mga iyakan at alaskahan, biglang naikuwneto ni Amy sa amin ang costumer nila sa parlor na may tiyahin daw na nakasama sa lumubog na Sulpicio Lines. Sandaling natuon ang atnesyon namin sa kanya. Ang ale daw niya ay hindi sanay sumakay ng barko, sa katunayan ay first time niya. Naenganyang sumakay dahil sa promo ng barko. May libre daw doong spa treatment at kung ano-ano pa. Sa kagalakan, sinama pa niya ang kanyang yaya’t driver. Dinala ang sasakyan at nagpasyang mamili na rin ng prutas pag daong sa dalampasigan.

Sa kalagitnaan ng bagyo, nuong papalubog na ang barko ay nakapag text pa daw ito. humihingi ng tulong at nakulong na daw sila sa palubog na barko. Matapos trahedya, nagpasya ang pamilya nito na magpagawa ng lapida at ilibing ang isang bakanteng kabaong bilang alaala ng tiyahin niya.

Natapos ang kuwento at nabaling muli ang lahat kay Mau. Aalis na nga siya, nagpapasalamat sa magandang samahan. Ano ba ang dapat naming maramdaman? Parang sasama siya sa lumubog na barko ng Sulpicio. Sana ay hindi siya aalis dahil sa may magandang offer ang lilipatan niyang department. Paano kung hindi matupad ang pangako sa kanya? Magluluksa din ba kami? Babalikan ang alala at maglilibing din ng isang pangarap na walang laman? Huwag naman sana.

Sana ay sa barkong matatag siya makasakay. Maglalayag sa kalawakan ng kanyang pangarap. Marating nawa niya ang pampang ng walang aberya. Ma-enjoy ang mga offers sa kanya at anihin ang bunga ng mga pagsisikap niya