October 12, 2009

paano kung ang talinhaga....?

Paano kung ang talinahaga,
sadyang umaapaw bumubula,
ng hindi naman sinasadya?

Nakaririnig ako ng mga salitang nakalutang sa hangin. Hindi ko alam kung para kanino, para ba sa iba o para sa akin? Hindi siya mga boses na bumubulong, pawang mga salita at mga kataga. May nagtutugma, mayroon din namang wala. Nakalutang sa hangin at banayad na humahaplos sa akin. Kung minsan, nakasabit sa sa dila ng mga tao. Sinasambit ng direderetso. Inuusal, hindi sa kanilang kausap kung hindi sa akin.

Kapag tahimik na ang lahat, pilit kung pinupulot ang bawat salitang nakakalat. May mga sariling naipon pero mas marami pa ang nag-aabang. Sa mga salitang hawak, sinusubukang humabi. May panahong tuyot na tuyot at walang mapitas, may mga panahon namang kusa siyang sumasambulat kahit na hindi pa nagsisimulang sumulat. Kung minsan pa, mas marunong pa ang salita kaysa sa akin. May sariling kumento sa bawat pantig na isinusulat. Siya ang tumatapos sa mga hinuubog kong kwento at berso. Sinisimulan ko lamang at siya ang tumatapos, nagbibigay ng sariling hubog at katawan. sariling buhay at sariling kaluluwa nito.

makahiya

Matindi ang sikat ng araw sa kalbaryo, Walang halamang maaring mabuhhay dito maliban sa mga kaktus. Sa paanan ng krus, may isang berdeng dahon ang umusbong. Mula sa isang tinik na napatakan ng dugo ni Kristo, nabuhay ito at nagpasalamat. Inilabas niya ang kanyang bulaklak na lila bilang pagluluksa.

Matingkad na berde ang ibabaw ng dahon nito, sa ilalim naman ay namumula pa rin sa dugo. Walang basta nakahahawak dito. Kung hindi ka man nito matinik, titikumin niya ang kanyang dahon at yuyuko. Pinangako niya sa kanyang sarili na tanging ang nagbigay buhay sa kanya ang makakukuha sa kanya ng buong-buo.