May 11, 2006

patlang

mahaba ang panahong lumipas
pagtitinginan ay hindi kumupas
nakakilala ng iba, nakalimot ng kusa
taon ang binilang, walang naging balita

dumating ang araw, muling nagkaniig
muling nahipuan, pusong nanlalamig
parang nakipag laro muli sa ulan
nakayapak, nagtatampisaw sa daan

kaibigan ay bumalik ng kusa
na parang nawalang pusa
bumalong ang luha ng hindi napapansin
dala ng damdaming inipon ng masinsin

sa pagitan ng taong pagkawala
damdamin ay lumago ng kusa
parang walang panahong nawala
pagkakaibigan pa rin ang sumpa

walang makapaglalayo sa puso
dumanak man ng dugo
o kapalaran man ay maglaro
ang samahan, tuluyang lalago

May 8, 2006

malayo man malapit din

walang lugar, panahon at espasyo
ang makapaglalayo sa akin at sa iyo
taon man ang bibilangin
pakiramdan ay gayun din

samahang ating nasimulan
'di mapuputol magpakailanman
noon, ikaw at ako
ngayon ay tayo

susuungin panibagong landas
haharap sa hamon ng bukas
itataguyod mabuting mithiin
para sa tao at bayan natin

ilayo man ako ng tadhana sa iyo
sa puso't kaluluwa magkapisan tayo
kapatid na totoo
iisang puso tayo

May 7, 2006

pilgrimage

lahat ng tao ay naglalakbay
sa landas ng buhay

may mahaba at may maikli
pero hindi ikaw ang pipili

pwedeng may kasama
pwede ring magisa

basta ang mahalaga
nakatuon iyong mata

sa gustong makita
saan ka man mapunta

May 6, 2006

paliwasan

sa aming bayan...

may isang baryong terminal lamang,
daanan, lunsaran at paradahan ng mga pangarap

dito ka iluluwal sa maliwanag
at aabutan ng kamulatan
pero magnanais na huwag doon masadlak
at pipiliting makaluwas sa ibang bayan

sa iyong pag-alis
dala ang pangarap ng kaginhawahan
ang bumalik sa baryong kinamulatan
na tagumpay ang pasan pasan

may mga nabigo
ang dalang pasalubong pag uwi
kung hindi man abo ay dugo

may mga nagtagumpay
dalang pasalubong ay bagong buhay
sarap ng pangarap ay lasap na tunay

sa baryong ito....

gigisingin ka lang para lumisan
pero puso at diwa
dito nanahan

May 4, 2006

para sa lahat

lahat ng may simula ay mayroong katapusan
lahat ng pagtatagpo ay mayroong paalaman
talagang ganyan...talagang ganyan

ngunit kaibigan, naging bahagi ka na
ng aking katauhan
paano kita mapagpapaalaman

walang isang pagkaktaon, tao o relasyon
na madadaanan mo
ang hindi huhubog
at makapagbabago sa iyo
habang buhay....

May 3, 2006

ilang fieldtrip na lang

parang isang malaking fieldtrip ito araw-araw. gigising ng maaga para makahabol sa school bus. kapag hindi ka umabot, mag commute ka mag isa mo at humanap ng sariling tour guide. excited ang lahat sumama, bagong ligo at bagong palit ng damit. amoy sabong mabango at preskong baby cologne. lahat excited na matuto at may madiscover na bago.

pero malapit na matapos ang field trip na ito. marami na kong nakitang tanawin na nagustuhan ko. nakaing masarap na putahe at napanood na nakapag-paliw sa akin. may mga payaso, seryosong artista, komedyante at romatiko. napalukso na ang aking dugo, napatibok ang puso at napadugo na rin ang aking nguso.

ilang ikot na lang sa fieldtrip na ito at makakuwi na rin ako.

ikatlong tala

titipa tipa, nais magsulat na.

maraming realisayon ang dumating sa akin nitong mga nakaraang araw, tungkol sa buhay at sa aking buong pagkatao.

dahilan kung bakit ako narito at ano ang saysay ko. lahat dumaraan sa harap ko, parada ng lahat ng alaala at isipin na kumbidado. iinog ang mundo, tuloy tuloy ang pagiisip ko.

susubukan ko muli mamaya, pakiramdam ay itataya. karanasan ay isusulat, gunita ay ububulatlat

May 1, 2006

mayo uno

unang ulan ng mayo. unang pagsibol ng bulaklak. unang silip ng araw sa pisngi ng langit

enero noong unang masumpungang magsulat. nabansot at nabantulot. ayaw datnan ng malareglang pagkakataon, kahit sana minsan sa isang buwan

sa bagong pasok ng mayo, isang bagong simula ang darating. panibagong kabanata ang mabubuksan. iinog ang lahat sa bagong mundong pupuntahan. sa pagnanais na magsilbi sa diyos at sa bayan.

may mga nagitla at marami ang natuwa sa bago kong hatid na balita. mga tunay na kaibigan at kamag anak, walang pagsidlan kanilang galak. bakit daw ako aalis, ang panahon ay biglang bumilis.

may nais akong gawin matagal na. sa darating na araw ay matutupad na