August 1, 2008

ilang inog pa ng buwan

Kung bibilangin ko, apat na buwan na lang ay magreresign na ako sa aking trabaho. Siyam na buwan naman ay iiwanan ko na ang pamilya ko. Para akong may sakit na nagbibilang na ng buwan at lilisanin na ang kamulatan.

Para akong nakikipagpatintero sa buwan. Hindi ko alam kung hahatakin ko pabalik ang inog nito o pabibilisin ang pagtakbo. Wala din akong kamalay malay bagong buwan na pala. Ilang panahon pa, buong yabang na namang magliliwanag muli ang kanyang kabuuan sa kalangitan.

Noon, masaya akong tumititig sa kalangitan. Nakatingala ako sa parang pilak ng plato na nakasabit sa ulap. Kung minsan naman ay para itong kesong madilaw at mukhang masarap.

Baku-bako pala ito ayon sa napag-aralan ko, bakit sa malayo at sa unang tingin ay makinis ito? Kagaya din pala siya ng mga pangakong dala n’ya.

‘Kala ko bawat inog ay hindi ko kaiinipan o hindi ko hinihtaying dumating na. Ngayon ay may takot ako sa dibdib. Takot na matuklasan ang tunay na hitsura ng mga buwang darating.

Magiging pilak ba ito na buong kinang na magyayabang o kesong dilaw na napakasarap? Huwag sana akong lansihin na makinis ang lahat gaya ng una kong tingin sa buwan. Matanggap ko sana ang katotohanan ng hitsura nito. Na sa susunod na pag inog ay maaring mukha niyang baku-bako ang makita ko. Pero iinog muli ito at ang mabrilyong pilak naman o ang masarap na keso ang makakaharap ko.

No comments: