March 31, 2009

ang pagtatapos sa paliwasan

Ang Mito ng Ginto, Si David Garcia Jr., at ang Pakikipagbuno sa Pag-aaral
(Edukasyon para sa Kinabukasan)
Edward L. Dantis

Isang talumpati para sa pagtatapos, Paliwasan Elementary School
Ika-1 ng Abril, Miyerkules taong 2009
Paliwasan, San Miguel Bulacan

Magandang araw po sa inyong lahat dito sa Paliwasan Elementary School. Sa District Supervisor na si Dr. Alberto B. Bautista, Gurong katiwala na si Gng. Gemma Manalastas, mga kaguroan, panauhin at higit sa lahat sa mga estudyanteng magtatapos. Nagpapasalamat po ako at naimbitahan ditong magbigay ng maikling speech sa isang napakahalagang okasyong ito. Salamat pong muli.

Unang subok sa pag-aaral

Marami sa inyo ang hindi maniniwala na akoy ay nakapag-aral sa mismong paaralang ito. Hindi ko na sasabihin kung kailan dahil mahahalata ang aking age. Opo, nag ‘Saling Ket’ ako dito – Saling Pusa. Bago pa man ako nag Kinder o formal schooling, nag-aral na muna ako dito sa Paliwasan. Dala na rin ng impluwensya ng mga pinsan kong pumapasok noon araw-araw. Parang masaya sila at busing-busy.

Pinapasan ako o kinakarga sa pagpasok. Pagdating naman sa classroom, pinauupo ako sa harapan para makita ang black board. ‘Di hamak kasi na mas malaki sa akin ang mga estudyante sa klase namin. Recess ang palaging inaantay ko noon. O kaya naman, yung oras ng paglalaro sa labas. May exercise pa kami na magsipilyo ng ngipin sabay-sabay, doon sa may poso. Masaya, pero ng dumating na ang tag-ulan, nagsabi na akong hindi na muna papasok dahil maputik. Nahihirpan kasi akong maglakad sa pilapil dahil sa liit ko, lumulubog ang aking mga tsinelas sa putik.

Hulmahan ng Karanasan

Paglipat namin ng Maynila, tuloy ang pag-aaral ko sa bahay hanggang sa makapasok na ako sa paaralan. Ang mga sumunod, kagaya ng sa kasbihan “The rest is history”. Nakatapos ako ng Bachelor of Arts Major in MassCommunication sa San Sebastian College, Manila. Nakapag-aral ng Philosophy sa Ateneo at ngayon, tinatapos ko ang huling academic Semester sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Sa Kursong Philippine Studies at may cognates na Creative Writing at Theater Arts. Ako din ang Artistic Director ng Manila Playback Theater at kasalukuyang Executive Producer ng pang umagang programa sa TV, GMA7 ‘Unang Hirit’. Pero hindi naging madali ang lahat ng ito. Sasabihin pa nila, ‘It was not a bed of roses’.

Mula ako sa angkan ng magsasaka sa Bulacan at kinararangal ko ito. Sabi ko noon sa sarili ko, magiging Scientist ako paglaki para maka imbento ng pataba na makapag papadami ng ani ng palay. Natawa ang Lolo ko noon, si Tatang, ng sinabi ko ito sa kanya ng minsang magbakasyon kami dito sa bukid.

Paborito niya ako dahil marunong daw ako sa libro at bibong-bibo. Sa isang hiling lang nila ay tutula na ako. Ang Tatay ko ay nakapagtapos ng high school at naging karpintero. Katuwang ng nanay ko na high school graduate din, na mas pinili ang mag negosyo para magkasama-sama kami.

Minsan, nakita ni tatay na nagbabasa ako ng komiks. Maiiyak daw ang Lola kong si Inang kapag nakitang marunong na akong magbasa. Ang inang kasi, sariling aral lang ang pagbabasa. Ang tatang naman nam’ay nakapag elementary noong panahon ng gera.

Alam ko na edukasyon lang ang magiging sandata ko para sa aking kinabukasan. Kahit pa gasagas na ang kasabihan na ito, malakas pa rin ang naging talab sa nito sa buhay ko. Ang mabuhay at mag-aral sa Maynila ay hindi madali. Noong elementary, nasubukan ko na magtinda ng kornik, green peas at yema sa class room. Pandagdag ng baon at pambili ng gamit sa projects. Nasubukan ko ding pumasok ng walang baon at maglakad ng malayo pauwi.

Sa high school, nasubukan ko namang magtinda ng barbeque. Habang nanoonood ng telebisyon ang mga kaklase ko sa hapon, nagtutuhog naman ako ng bituka ng manok, isaw, atay, paa at tenga ng baboy para itinda. Sino naman ang mag-aakala na sa private school makapag-aaral isang tulad ko.

Pagdating ng college, hindi pa natapos ang aking pakikibaka sa kahirapan at pag-aaral. Second semester na ng makapag-enroll ako, kinulang kasi ang pera namin. Madami na kaming utang at nahihiya nang mahiram pa sila Tatay. Limang buwan akong nakatengga, sumasama sa Tatay ko na umekstrang maki-linis ng bahay na ginagawa niya kapalit ng konting pera. Nang makapag college na, pumasok naman ako sa Kentucky Fried Chicken para mag service crew. P18.25 peos per hour ang sweldo ko. Tumagal ako sa KFC hanggang third year college. Pumapasok sa umaga at nagaaral sa hapon. Hapong-hapo sa trabaho kaya’t, nakatutulog sa jip at sa klase. Amoy mantika ang buhok at nanlalagkit ang katawan.

Pero sa kabila nito, nakuha kong mag top sa mga departmental exams. Nakahihiya kasing masabihan ako ng mga teachers at classmates na hindi ko kayang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Naging Presidente din ako ng Theater Guild sa San Sebastian at naging sectoral representative ng lahat ng kolehiyo sa Maynila sa konseho ng kultura o National Commision for Culture and the Arts Committee on Dramatic Arts – College based Theater groups habang ako ay nag-aaral.

Hindi madali ang mag-aral sa totoo lang, pero sa ating mahihirap eto lang ang magiging sandata natin para sa kinabukasan. Ang makapag-aahon sa atin sa kahirapan. Ito lagi ang sinasabi ko sa mga kapatid, pinsan at mga kaibigan ko. Mag-aral ng mabuti para makapagtapos at makatulong agad. Kakambal na natin ang hirap pero magsasawa din yan at may darating ding ginhawa.

Kung mahilig kayo sa telenovela, makaka relate kayo dito. Tinaguyod ng bida sa Coffee Prince ang kanyang kapatid sa pag-aaral. Pagkatapos, siya naman ang nag-aral ng Coffee Science at Culinary Arts sa isang unibersidad. Sina Nicole at Erika ng ‘All About Eve’ na ginampanan ni Isa Calzado at Sunshine Dizon ay nagtapos ng MassCommunication para makapag trabaho sa TV at naging mga sikat na news casters. Sina David Garcia Jr. na ginagampanan nina Gerald Anderson at Jake Cuenca ng ‘Tayong Dalawa’ ay nagtapos sa Philippine Militay Academy.

Ang mga karakter na ito sa telebisyon ay nagtapos ng pag-aaral at nakamit nila ang inaasam nilang tagumpay. Eh sa TV lang ito. Kung nagawa nila, mas magagawa nyo ito sa totoong buhay.

Mito ng Ginto at Pagkatuto

May isang matandang kwento sa aming pamilya, siguro alam na rin ng iba dito sa atin. May mina daw ng gito sa bakuran nila Inang at Tatang, meron nga at nahukay na namin. Buhay pa ang Tatang noon ng marinig ko ang kwento tungkol sa isang Inahing manok na kumikinang na parang ginto at gumagala tuwing gabi. Madalas daw itong nakikita na lumalakad sa bukid kasama ang mga inakay, kapag sinundan ay pupunta sa silong ng bahay at hindi na makikita pang muli. Palatandaan daw ito na mayroong ginto sa aming bakuran. Sabi pa nila na dapat mag-ingat dahil may nagbabantay na kaluluwa sa gintong ito. Ang mga mabubuti lamang ang pagkakatiwalaan at bibigyan ng ginto.

May nabalitaan akong naging pagtatangka ng mga kamag-anak namin na hukayin ang silong para makuha ang gintong sinasabi. May kinunsulta din silang medico na sinasapian ng Santo Nino, siya daw ang makapagtuturo kung saan naroon ang ginto. Pero lahat ng pagtatangka nila ay nabigo. Sa aking panaginip naman, binisita ako ng isang matandang lalaki, naka itim na karsunsilyo at puting long sleeve. May itinuturo siyang lugar sa akin. Malapit sa tinutuluan ng alulod, sa may likuran ng bahay. Pinipilit niya itong dukwangin, hindi ko naman makita ang kanyang kinukuha. Baka ito na kako ang gintong sinasabi nila. Naikuwento ko sa mga pinsan ko at mga kamag-anak ito. Ang sabi nila, ituro ko daw ang eksaktong lugar at huhukayin nila para makuha ang ginto pagkatapos ay paghahati-hatian namin. Pero may ginto nga kaya doon? Isang tanong na sa libro ko nakita ang sagot.

Sinabi daw ni lolo Loban (ang lolo ko sa tuhod) kay Tatang na mayroong apo siyang babantayan kahit na pumanaw na siya. Kami ang henerasyon ng mga apong iyon na kaniyang binabantayan. Ang gintong sinasabi nila ay hindi gintong mabebenta at pagkatapos sa isang igalap mauubos ang halaga. Ang gintong ito ay kagaya ng mga ginto sa nobela ni Macario Pineda, ‘Ang mga Ginto sa Makiling’. Ayon sa aking naging guro sa Ateneo na si Soledad Reyes, nahahati sa tatlo ang klase ng ginto sa nobela ni Pineda.

Una ang mga literal na piraso ng ginto na matatagpuan sa Paraiso ng Makiling, ikalawa ang mga “kakanggata ng ating lahi” o ang mga bayani na nananahananan na noon sa Makiling, at ikatlo ang mga henerasyon umano ng Filipino “na gagamitin ang kanilang pinag-aralan upang maampat ang pagdudusa ng mga kababayan.”

Sa Mito ng aming angkan, kami ang tunay na ginto. Si lolo Loban ang naging taga pag-bantay. Ang henerasyon naming nagtiyagang mag-aral para makatulong sa aming pamilya. Ang mga pinsan kong nangibang bansa dala ang pangarap ng isang magandang buhay, babalik sa Pilipinas – sa Paliwasan na may pasalubong na kaginhawahan. Nakipagtuos sa hirap ng pag-aaral. Nagsunog ng kilay at nagtanim ng karunungan. Pawis, pagod at puyat. Ngayon ay unti-unti nang umaani ng ginhawa mula sa kanilang pinaghirapan. Kasama dito ang mga kapatid ko at mga pinsang kasalukuyang nagsisipag-aral at sa ilang panahon lang, magtatapos sa pag-aaral at tutulong sa pagtatguyod ng kanilang mga kapatid at magulang. Inaalagaan hindi lang ng pansariling kapakanan kung ‘di ng buong pamilya. Ito ang ginto namin, edukasyong makapagtataguyod sa aming kinabukasan.

Hindi ko sinunod ang sabi ng mga kamag anak namin noon “Huwag abutin ang hindi kaya” dahil alam kong nagkakamali sila. Kapag nakapag-aral ka “Walang hindi kayang abutin”. Sa tulong ng Diyos, sa tiyaga at pagsisikap makakamit ang mga pangarap.

Iiwanan ko kayo ng isang quote mula sa kilalang African leader na si Nelson Mandela. Ang sabi niya, Education is the most powerful weapon which you can use to change the world. Kung gusto mo ng pagbabago sa buhay at sa iyong mundo, edukasyon ang gamitin mo. Pinanganak tayong mahihirap pero marangal. Ang edukasyon natin ang makapag-aahon sa atin sa kahirapan. Pagpalain tayong lahat at Congratulations sa mga nagtapos!

No comments: