January 31, 2013

tikyo


              Dumating si Tikyo kahapon, ang bago kong ampon. Lilinga-linga at minsan tulala. Dala siya ng isa kong kaibigan, isinama mula sa daan. Tahimik lamang at malaki ang kanyang mga mata, waring nagmamasid lang tinatanong kung nasaan siya. Nanginginig kung minsan at balisa, madalas nakatungo o nakayuko yata sa hiya. Inalok ko ng pagkain pero hindi ako pinansin, baka busog pa o masama ang pakilasa.

                Kanina lang nagulo ang kuwarto ko dahil sa kanya, binuksan ko lang ang supot at nawala na siya. Sa sapatusan, sa ilalim ng kama hinanap ko na. Inalis ko ang aking mga maleta at binaliktad pa ang lamesa. Ang tangi kong makakasama parang lumisan nang maaga, dala ko pa naman pagkaing hinanda para sa kanya.

                Mahabang katawan, mapungay na mata. Batik-batik ang balat na magaspang ang salat. Apat ang paa at tsk tsk tsk tsk tsk kung tumawa. Hoy! Nariyan ka lang pala, sa pantalon ko pa sumampa. Huli ka, tayo parin ang magsasama. Ipinanghuli pa naman kita ng langaw at lamok, kung nawala ka nga sigurado ako naman ang magaamok.

No comments: