January 7, 2009

anatomiya ng isang fan

Hanga ako sa isinulat ni Wilfredo A. Pascual, Jr. sa kanyang ‘Devotion’. Buong tapat niyang nilahad ang kanyang paghanga sa nagiisang superstar. Tunay na sa isang bansang tulad ng sa atin na isang pera isang tumpok ang problema (madals ay libre pa), kanya-kanyang hanap ang tao kung papaano sila makaaahon dito. O kung papaano nila matatakasan ito. Imahinasyon, pantasya, debosyon o salamangka ng idolismo. Kung minsan ang pantasya ay naipagbabaliktad na sa katotohanan ng buhay, para makasingahap ng maski kaunting kaginhawahan. At ng mabaka ang isang napakahabang paglalakbay tungo sa isang transpormasyon na maaring ihatid hindi lang matinding pagsisikap kun hindi ng isang diyos o mahiwagang sapatos.

Noong kabataan ko ay naisip ko din ang mga ito, lalo pa at naiinis ako sa amin dahil palagi na lamang akon nakikita at ako na lang ang mali. Naiisip ko noon na gaya ng napapanood kong si Nino Muhlach, minsan ay susunduin na lang ako ng isang magarang kotse sa labas ng bahay namin. May kakatok sa pintuan na isang matandang Don at hahanapin ang pangalan ko, sabay sabi na ako daw ang nawawalang anak niya. Presto, sikat na bata ako at isang child superstar na kagaya ni Nino Muhlach. Iniisip ko rin noon kung ano ang magiging hitsura ng mga magulang ko at ng aking mga tiyahin na madalas na mag-utos sa akin. Belat nyong lahat! ang tiyak na sasabihin ko sa kanila. Ito na ako ngayon, tingnan nyo sikat at mayaman.

Noong medyo nagbibinata naman ako, ang feeling ko ay para akong si Romnick Sarmenta. Gusto ko kasi ang tabas ng kanyang buhok na hinilamusan pa ng gel. Ang kanyang tindig at porma, lalo na at naitatambal sa pa kung sa sino sinong kaparehang artista. Lahat sila ay sikat at magaganda. Iniisip ko pa noon na magkababata daw kami ni Romnick at sabay na lumaki sa probinsya, sa Maynila lang siya lumaki at saka naging artista. Nawala lang ito noong ako ay nasa high school na, naririnig ko kasing madalas sa iba kong kakalase na baduy daw ang humahanga sa artista lalo pa at local stars lang sila. Nabasa ko din noon sa mga dyaro at napanood sa TV na lumaki na daw ang ulo ng idol ko at hindi na yata nakatapos pa. Napansin ko ding baduy na nga itong pumorma lalo na nung dumating siya sa set ng That’s Entertainment na naka pang CAT uniform lang. Naisip ko na kagaya ko lang din pala ang taong ito at kaya ko pang mas mahigitan pa. Mas maayos akong pumorma at nakapag-aral pa.
Pero ano nga ba ang isang fan? Alam ko kahit papaano kung saan ito nagsisimula pero saan ito nagtatapos, ano ang kanyang hangganan?

Tulad ng buhay ni Mandy Diaz na naisulat sa Devotion, para sa akin maituturing na itong mahigit pa sa isang streo-typical na fan. Sa akin ay isa na siyang archivist ni Nora Aunor na dapat hangaan. Isang taong naglaan ng kanyang buhay para maisa-dokumento at mai-promote ang kanyang hinahangaan. Maganda ring mapagtuunann ng pansin ang pagsasalarawan ng manunulat at kung paano niya na I-layout ang hitsura ng bahay na kanyang pinuntahan. Mistulang museo na kayamanang laman ay pawang tungkol kay Nora Aunor lamang, na ang halos center piece pa ay ang lumang sapatos nito. Sa akin, ang sapatos ay isang malaking simbolo ng paglalakbay niya bilang fan at waring isang mahiwagang sapatos na sana ay maisama siya sa paglalakbay na pinagdadaanan ng superstar. Malaki din ang impact sa akin ng imahe ng pagtatakip sa bintang nagbibigay ng tunay na kalagayan ng buhay niya sa pagtanaw sa labas, kung gaano ito kahirap at kapayak. Nilagyan niya ito ng isang altar ng kanyang idolo katabi o side by side kay Hesu Kristo gaya ng dalawang bida sa isang pelikula na pareho ang billing. Magkapantay na ang Diyos at kanyang idolo, pareho na ng level. At ang naging pagdalaw ni Nora sa mumunti niyang baranggay ay parang isang pagdalaw na rin o aparisyon ng Poon na bumaba mula sa langit.

Inisip kung ano nga ba ang tumatakbo sa isip ng isang Fan?
Sa akin kasi ang pagiging Fan o ang pagka-panatiko ay isang pagtakas din. Ayon sa Wikipedia, isang on line encyclopedia: ang Fan ay mula sa salitang fanatic na ang ibig sabihin - is an emotion of being filled with excessive, uncritical zeal, particularly for an extreme religious or political cause or in some cases sports, or with an obsessive enthusiasm for a pastime or hobby. Sa akiy isang pagtakas, pansamantalang pagtalilis sa realidad kung saan nakahahanap ang isang fan ng ligaya o maituturing na gamot sa kanyang kalungkutan.

Ayoko manghusga sa gaya nila dahil nga ako man ay dumaan sa pagiging fan. Ang kritikal doon ay hanggang kailan mananatiling fan o ang kung papaano malalagpasan ang estadong ito na hindi mauwi sa sobrang pagkahumaling hanggang sa maging adiksyon na ang pagkagumon dito. Kadalasan ang mga fan na nakikita ko sa GMA7 kung saan ako nagtatrabaho ay mula sa lower middle class, kadalasan nga kuwento nila ay wala silang trabaho at ang pagiging fan na alng ang pinagkakaabalahan nila. Sa aking pag bo-blog, may nadaan akong Multiply site ng isang fan. Nasa Ingles ito at ng suriin ko ay maayos ang pagkakagawa (grammar at punctuations) at mukhang galing sa isang professional. Nagawa kong basahin ang ilan sa kanyang mga entries na nagbigay sa akin ng pagkakataong masilip kung ano ang tumatakbo sa isip o consciousness ng isang fan.

Ito ang sarili kong salin mula sa ilang pahayag ni Remz Cuarto sa kanyang Multiply site “natural high”, isang blog entry na epitomiya ng isang tunay na Fan ( ni Regine Velasquez). Ayon sa kanya, “ang buhay ay hindi kung makailang beses kang humihinga ngunit kung ilang beses kang maghahabol nito dahil sa saya. Ang katotohanan, makapigil hininga ang mga pagkakataong ito. Siya lamang ang tanging tao na nagagawang mapahinto ang aking hininga sa pamamagitan ng kanyang ngiti. Sa 7 taping nga “Song Bird”, wala ang hindi napuntahan maski na isa. Ang mga pagkakataong ito ay nagturo sa aking maghintay, magsakripisyo, makuntento, ang tanggapin ang pait ng kahihiyan sa ngalan ng pagmamahal. Marami akong utang na loob sa aking Ate. Dahil sa kanya, mas masayahing tao na ako ngayon. Mamahalin ko siya habang buhay, dahil ang mahalin siya ay sapat na sa akin para lumigaya. Siya ang aking kanlungan kung saan ako nakahahanap ng kapayapaan at kapahingahan. Siya ang oyayi kung saan ako nakukuha ng lakas. Ang pag-asa kung bakit ako ay nagpapatuloy. Nagagawa niyang ilabas ang mga kagalingan ko. Napangingiti niya ako kahit na wala siyang ginagawa. Siya ang aking tanggulan..”

Naitanong din niya sa kanyang blog ang mga sumusunod: “Nasubukan mo na bang mahumaling o maadik sa isang tao, na para silang gamot na nakaaadik? Nais mong mag-release, nais mong lumaya. Sa parehong pagkakataon, nais mong manatili sa isang napakagandang pagka-high. Habang panahon akong mananatili sa napakagandang high na ito.” Tinagurian din niya ang kaniyang sarili bilang Diyosa ng Hollywood sa You tube, Dyosang Zmer sa Friendster at Luklukan ng mga Dyosa sa Multiply. Mga taguring may paghahambing kung paano niya dini-diyos ang artistang kanyang iniidolong si Regine Velasquez.

Sa isang banda, iisiping masarap ang buhay ng isang fan, kahit na minamaliit ng marami ang kanilang pagkahilig sa mga artista na tao rin naman. Marami pa akong natutunan mula sa buong tapat at inosente niyang paglalahad ng kanayang karanasan bilang isa fan. Ito muli ang sarili kong salin mula sa kanyang blog entry na “what I have learned (as a fan.)” Ayon sa kanya, “Bilang tao mahilig tayong maglagay ng mga idolo sa pedestal, ginagawa natin silang bituin. Hinahagaan natin sila at ginagaya. Iniuugnay natin sila sa ating mga pantasya. Dahil dito, sila ang nagiging paraan natin upang makatakas sa mga realidad ng buhay. Limang taon na akong fan, si Regyn velasquez ang piankamatamis na pagtakas sa aking buhay. Ang aking inspirasyon sa mahaba ng panahon. Kaakibat ng pagiging isang fan ang pait, sakit at sakripisyo. Kailangan mong matanggap ang kamalian at kakulangan ng iyong idolo. At kung minsan, kailangan pang isakripisyo ang sariling paniniwala para maibigay mo sa kanyang ang suporta ng buong buo.”

Sa kanya pang pagpapatuloy, inilahad niya ang kanyang karanasan maganda man o hindi sa piling ng kanyang idol.

Ayon sa kanya, “marami na rin akong naging karanasan sa piling ni Regine, ang aking Ate. Ang ilan ay naging maganda at aking itinatangi. Samantalang ang ilan naman ay naging mapait at napakahirap makalimutan, pero marami naman akong natutunan dito kaya napamahal pa siya sa akin ng mas higit.. Bilang isang fan, nilunok ko na ang aking hiya para mailaan ko lang ang aking sarili sa kanya. Sa ilang pagkakataong nagkita kami ng aking idolo, ngiti ang naipinta niya sa aking mukha, ang puso ko ay nagpalutang-lutang sa kalawakan, huminto ang aking mundo at naging siya lang ang lahat sa akin. Pero may mga pagkakataong halos magunanw naman ang aking mundo. Mga panahong nakikipagbuno ako sa antok para magising lang ng maaga at makapiling siya. Sa pagiging isang fan, napakarami kong natutunan. Na kailangang buksan ang ating mga mata at tanggapin na ang ating iniidolo ay mga tao rin. May mga kahinaan, kamalian at mood swings. Tao din sila… na natutukso at nadadarang. At kagaya din natin, may pakiramdam…natatakot, dadadala ng emosyon, naiinis at nagmamahal na kung minsan ay sa hindi natin mas inaasahan. Bilang isang fan, natututunan ko na ang sining ng pagtanggap – ng katotohanan at kung ano ang natatago sa likod ng kanilang masasayang mukha. Akin ding hinayaan na dahan-dahang tanggapin ang sakit na ito para sa aking idolo. Ang aking paraiso, ang aking langit ay ang aking idolo. At habang buhay kong tatanggapin ang sakit at ang lahat ng matutunan ko dito dahil mahal ko siya at ang aking kaligayahan ay ang mahalin siya.”

Madalas mabanggit sa kanyang blog ang emosyonal na espasyo, na kaniyang itinuturing na kanlungan, tanggulan, langit, paraiso at iba pang lugar na itinuturing nating safe at wala sino mang makakagambala at makasasakit. Mga lugar na kapag narating ay nagbibigay ng lubos na ligaya at kaginhawahan. At ito ay nararating lamang ng sumulat sa blog ang ibang mundong ito sa pamamagitan ng kanyang idolo. Lalo na sa mga pagkaktaong nais niyang makaalis ng sandali sa realidad ng mundo. Kabalintunaan naman ito ng ilan din niyang entries kung saan ay sakit at sama naman ng loob ang nagging dulot ng kanyang pagtatagpo at pagmamahal dito. Pero ayon nga sa kaniya mismo, kailangan niya itong pagdaan at mas nakapagpatatag pa sa kaniyang pagmamahal sa kanyang idolo.

Sa aking naging obserbasyon kay Mandy at Remz at sa mga fans na nakilala ko sa GMA, diyos na ang turing nila sa mga artistang kanilang iniidolo. Hindi malayo na ang sinasabi ng mga artistang ito sa pelikula o telibisyon ay gospel truth na para sa kanilang fans. Mabuting balita na wari ay galing sa bibliya ng iniidolo nilang artista. Gaya nga ng nasabi ko na kanina, wala akong karapatan na sila ay punahin ng basta, ang pagka fan ay bahagi na rin ng kanilang kultura. Kung minsan ay maaari na ring silang ituring na isang sekta. May isang iniidolo, may sarili silang lenguahe at gawi na sila ay mas nagkakaintindihan. May sarili ring panuntunan (gaya ng fans club) na dapat sundin para maging kaanib. Kung ito ang makapagpapainam sa kanilang buhay, sino naman ako para maging sagabal dito? Sino din ako para maging hadlang sa kanilang kaligayahan?

Mula sa aking pagiging fan, naging isang regular na tagahanga na lang ako ngayon ng mga artista . Isang napakalaking hakbang mula sa imahinasyon, papunta sa katotohanan ang naging susi ko para makalagpas sa estadong aking kinalagyan – ang pagiging isang fan.

No comments: