January 7, 2009

unang pagtataya sa kritisismo

Unang salya ko ito sa paggawa ng isang papel na nagbibigay opinion sa isang akda, kung tutuusin nga ay birhen pa akong maituturing sa gawaing ito. Ni ayaw ko muna itong ituring na kritisimo dahil alam kong malaki ang mga kakulangan nito, pero simula na ito nga aking unang pagtatangka.

Bias din ako sa paggawa ng papel na ito, aking mas mapagtutuonan ng pansin ang akdang “Personal” ni Rene Villanueva. Pero tatangkain ko ring balik-balikan ang “Children and Politics of Culture in Late Capitalism” o CPLC. Pakiramdam ko kasi ay masa marami akong masasabi sa nauna dahil mas naintindihan ko ito, bagamat mayroon namang pagkakapareho ang mga akda sa isat-isa.

Noong una, akala ko ay hindi bahagi ng malikhaing pagsulat ang ganitong uri ng pagsasalaysay. Kasi, para lang itong isang journal entry sa aking blog. Noong mabasa ko ang “The House on Mango Street” ni Sandra Cisnero, naitanong ko sa aking sarili na ano ba itong binabasa ko? Mistulang memoir pero hindi pormal na memoir at mukhang isang journal entry lang. Nakakaenganyang basahin, buo ang nais iparating ng manunulat sa estilong magaan basahin o easy reading talaga. Naratibo ang paglalahad, buo ang bawat kabanata. Makikitaan ng social commentaries na mukhang hindi sadya, hinagod ng mainam kaya madulas na nailahad. Sinesermonan na ako at sumusigaw ang mga panawagan pero hindi nakatutulig, banayad na banayad. Ganitong ganito ang pagkakagawa ng “Personal” ni Rene Villanueva.

Maaga pa lang ay sasabihin ko na malakasa ang naging dating nito sa akin. Bilang isang taong dumanas din ng halos lahat ng kanyang nailahad at bilang isang tao rin na nagtatangkang sumulat. Pinatingkad nito sa akin ang saysay at tunay na wangis ng isang creative nonfiction. Mahusay ang paggamit ng literary styles at mga teknik na humubog sa isang naratibong makatotohanan. Kaiba ito sa mga kahanay niyang nonfiction gaya ng journalism at technical writing na agamat nag-ugat din sa tunay na pagdaranas, pero naisulat hindi bilang paglalahad lamang kung hindi isang reportage.

Mahirap ng tantuhin pa kung gaano ka accurate ang mga detalye na naisulat, pero mababakas sa pagitan ng bawat paragraph ang detalyadong impormasyon na buong tapat na inilahad. Buong atensyong isinulat gamit ang sariling estilo ng pagsusulat. Nai-communicate nito ang mahahalagang impormasyon gaya ng isang mamahayag, pero hinabi ng sadayang madulas na aakalaing ito ay isang fiction.

Parehong mahalaga at may saysay ang dalawang tinalakay sa klase na patungkol sa kabataan. Ang isa ay paglalarawan ng personal na sanayasay at ang isa naman ay tala at mga statistika tungkol sa kalagayan ng kabataan ngayon. Bagamat mas appealing lang sa akin at mas palatable ang kay Villanueva. Mas madali kasing makaugnay sa isang kuwento ng pagdaranas kumpara sa datos na pinipilit ko pang i-proseso at buhayin sa diwa. Bagamat pagsasalarawan ding maituturing ang CPLC at mababakas ang kalagayan at kalugaran ng kabataan ngayon, mas madaling intindihin pa rin at tunawin ang Personal. Paglalarawan ng buhay ng isang kabataan noong panahon niya bitbit ang maraming socio-political issues.

Tuloy ko na ang aking diskusyon sa Personal. Isang matapang din na ambag ang paglikha nito. Matapang dahil hinarap ng manunulat ang kanyang nakaraan gayong hindi ito kagandahan. Naisawalat niya ang kanyang buong pagkatao, hinanakit, saya, tuwa at galit sa mundo na halos walang preno. Hindi ko din maipaliwanag kung paano sadyang naisasama ako ng manunulat sa kanyang kabataan at kasabay ko ding natunghayan ang pag-mamature ng kanyang personahe sa kanyang naisulat. At nais ko ding puntuhin ang notion ko ng detachment and attachment sa kanyang pagsulat. Nagawa niyang malinaw ang lumabas sa kanyang karanasan, ang busisiin at bulatlatin ito. Ang ilantad ang kanyang kahinaan at kahirapan, mga kasawian at pangarap. Gayun din ang pumasok muli at pumalaot sa kanyang gunita bilang taong dumanas nito, kaisa at hindi na hiwalay dito.

Hanga ako sa kadalisayan at kainosentehan ng manunulat, bakast ito sa kanyang gawa. Buong-buo at walang pagkukunwari ang kanyang kuwento. Walang pretensyon at walang pagtatangka na lagyan ng magarbong icing ang ibabaw ng kanyang cake. Wala ng sugar coating pa, gutom kung gutom at pangit kung pangit. Sa mga inosenteng pahayag niya makikta ang paghahanap niya sa kanyang sarili. Sa pagitan ng mga naisulat niya nahanap ko naman ang aking identidad, yung bahagi ng kabataan ko ng kung puwede lang din at huwag nang balikan at itago na lang. Nakahihiya kasi at nakatatakot. Isang dahilan na rin ito siguro kung bakit ganun na lang ang pakiramdam ko sa Personal. Maaring mababaw para sa iba pero sa akin ay malalaim siya.

Kasama ako ng manunulat sa kanyang mga pinagdaan. Mula sa isang personal niyang pagdaranas ay naging communal na para sa akin, ganun na rin siguro sa mga kaedad kong nakabasa nito. Nasabayan ko ang naging tutok niya sa media, ako rin ay batang lumaki sa media na ito. Natawa ako at naluha ng maikuwento niya ang karanasan sa telebisyon, madami-dami din kasi akong alala tungkol dun. Tatlong buwan o mahigit pa ng pumutok ang telebisyon namin, dahil daw sa kidlat. Sa halip na mainis ako ay nakakita ako ng pagkakataon na mapalitan na rin ito, apat na taon na rin namang nag serbisyo ito sa amin. Natuwa ako dahil sa pangalawang pagkakataon ay ako ang bumili ng telebisyon namin. Noon kasi ay halos pagmulan ng away ng nanay ko at ng may ari ng tinitiran namin ang pakikipanuod namin ng t.v. Isang gabi kasi, ala-sais ng hapon ay away pa namin umuwi at maghapunan. Isang oras na lang kasi ay The Chips na. Ito yung palabas na impoted tungkol sa dalawang magaling na pulis. Oras na rin pala iyon ng hanpunan ng kasera namin na pinapanoodan namin ng t.v. Niyaya na nila kaming umuwi at kakain na daw sila, pero mahirap kasing iwan talaga ang panonood. Hanggang sa itaboy na kami sa pintuan ng bahay. Pagsara ng pinto ay may nasilip kami ng kapatid kong butas at yuon ang naging daan para maituloy namin ang panonood. Pero sinadya nga siguro ng pagkakataon, sa muling pagsilip namin ay sinundot ng anak ng aming kasera ang butas sa pinto gamit ang tingting. Ayun at umuwi ako na namumula ang mata mula sa pagkakasundot. Sa galit ng nanay ko, kinabukasan ay kumuha siya ng hulugang t.v na black and white. Singer ang tatak, na akla ko noon ay sa makinang pananahi lang. Kaya ngayon, kahit bumili ulit ako ng magarbong t.v. ay ok lang.

Kasama din ako ng manunulat sa kanyang pagtatangi sa radyo. Isang malakas na bagyo noon ang dumaan sa amin sa Bulacan. Kinailanagan pa naming magtago sa mahigit anim na talmapakang dug out na hinukay ng mga tatay ko para hindi kami tangayin nga bagyo. Lahat ng lalaki noon ay nakabantay sa ibabaw para tingnang mabuti ang mga baboy at kalabaw para hindi lumayo. Tinutulusan din nila ang mga bahay para hindi liparin. Transistor radio lang ang kapiling namin noon na siyang link sa labas ng dug out. Nakikinig ng update kung nakaalis na ba ang bagyo. Pagkaggising ko kinabukas ay tugtugan ang laman ng dyaryyo, tahimik na ang mga nagbabalita at hudyat na tapos na nga ang bagyo.

Pareho din sa isang banda ang tingin namin sa aming mga tatay. Kung government employee noon ang inilalagay niya sa trabaho ng tatay nya, ako naman ay carpenter para mas sosyal ang dating. Pero ang totoo ay isa lamang siya noong karpentero na umeekstra sa construction hanggang sa maging finishing carpenter na nitong huli. Nakaiinis nga at napakaraming pagkakapareho ng naisulat niya sa tunay na buhay ko. Gaanoon talaga siguro kagaling ang naging diskripsyon niya ng lahat kaya sa palagay koy talab na talab ito sa tunay na pangyayari, mula sa siglong pinagdaan niya hanggang sa siglong inabutan ko.

Mahalaga sa aking pagtuunan ng pansin sa kanyang pagsulat bilang isang paghuhubad ng sarili. Napakarami kasing layers of meaning ang nakita ko sa mismong kanyang isunulat na maari ding sumalamin sa kanyang mismong personahe. Mula sa kabalintunaan ng maraming bagay at sa kabaligtaran ng ilan. Mas tinitingnan ko ito bilang pagtatangka ng pagtatakda o paghahanap ng identidad kaysa sekswalidad (pero hindi rin naman maididiskuwento iyon). Gaya ng pagsasangla niya ng radyo nila na nagdulot sa kanya ng malaking kahihiyan. Sa kanyang paglalakad bitbit ito at sa pagbabalik niya sa bahay na wala na ang mahal niyang radyo ay waring hinubaran din siya sa harap ng maraming tao. Inalisan ng ipagmamalaki at na expose sa mga elemento na nagdulot sa kanya ng sobrang kahihiyan. Ganun din noong panahong naligo sila ng tiyuhin niya sa Pasay. Ang hubad niyang katawan kasabay ng paliligo ay pagpapakita ng kanyang kapayakan at proneness sa pangaabuso ng tao at sosyedad. Isang napalaking imahe ito ng power play at dislay of social class. Kung saan ang mahihina at maliliit ay nasa awa lamang ng malalaki at naghaharing uri. Ang paghihilod sa kanayang katawan ng ibang tao na wari ay nais na tanggalin ang itim mula sa kanyang balat pagaalis ng karapatan sa kanya na magkaroon ng sadyang ganong kulay. Kulay na ayon nga sa kanyang tiyuhin ay kulay ng mahihirap, pati na ang kahirapan niya ay nais pang agawin mula sa kanya. Isang imahe ng lantarang diskriminasyon na kung maari lang burahin ang bakas ng karalitan ay gagawin.

Usapin din dito at maging sa CPLC ang isyu ng gender and role playing. Sa gender, kung sinong uri ang mas pinakikinggan at sino ang may hawak ng kapangyarihan. Malaking kabaliktaran ito sa dalawang tinalakay. Sa Personal, ang babae o ang nanay ng manunulat ang may hawak ng huling salita tungkol sa maraming baya na sa bandang huli ay pati ang hindi pagsasalita nito ay naging simbolo na rin ng kanyang lakas laban sa anak. Gayun din ang boses nila Charito at ng iba pang babeng personahe sa kanyang sinulat. Ang pagiging ina, kaibigan o love interest ng mga babaeng ito sa sanaysay. Sa CPLC naman, mahinang kababihan ang ipinakikita. Kung saan lahat sila ay submissive kagaya ng mga babaeng nasa Africa noon na tinuraun kung paano maging isang babae sa tahanan. Dinidiktahan ng gagawin at walang mga sariling boses.

Ginulat din ako noong isang araw ng malagay sa headlines ng Business Mirror ang istoryang “Children as Commodities” ang pagpapabaya ng Tsina sa mga batang manggawa na mamatay sa paghuhukay ng mina sa Congo. Nag-flashback muli sa akin ang CPLC na nireport sa klase. Paano kung kultura na nila ang pagpapatrabaho sa mga bata at tanggap ito ng lipunan ang child labor na bunsod na rin ng kahirapan? Ni hindi nila magamit ang kanilang kabataan bilang dahilan o excuse sa hindi pagtatrabaho. Sa Korea naman, edukasyon ang umaagaw sa kabataan ng kanilang nasyon. Aral sa maghapon at tutor naman ang kasama nila sa gabi, maging sa internet man o sa mga tutoring centers. Pagtapos na ang pasukan, aral pa rin ang kanilang kabagsakan sa bakasyon. Parehong pagatatangka sa buhay o suicide sa magkabilang mundo para sa mga kabataan. Kung susumahin, sa akin ay isang malaking talaan lang ng UN report ang akdang CPLC. Isang reportage ng kalagayn ng kabataan sa ngayon.

Hanga ako sa kung papaano sa aking tingin ay nailatag ni Villanueav ang social landscape noong mga panahong iyon. Mula sa maliliit na detalye ng kanyang pisiskal na dinaanan hanggang sa detalye ng emotional na lansangan. Naipakita niya ang mga espasyong ito na nagtakda ng kanyang pagkatao at uring kinabibilangan o social class.

Mas malinaw sa akin ang katingkaran ng mga isyu at sitwasyon kaysa sa pansariling adhikain ng manunulat. Ang inakala niyang ego tripping ay hindi totoo. Puno ng katotohanan ang mga naisulat niya na magagamit ng maraming tao, hindi para pang aliw kung hindi bilang salamin o lente kung nagbago na ba ang estado ng tao. Nagawang lusawin ng mga imahaeng kanyang dinanas at isunulat ang akala niyay pansariling likha lamang

Maituturing din na isang mensahero ng pag-asa si Villanueva. Bagamat madilim o grim ang kanyang naging paglalahad sa karanasan, lagi itong may kambyo ng kanyang mga napagtagumpayan. Ang karanasang iyon ang naging sanhi ng kung ano na ang naabot niya. Waring sa kabila ng kahirapan at kabiguan ay maari pa rin tayong makasilip ng pag-asa dulot nga mga pagbabago sa loog at labas ng ating sarili.

No comments: