January 7, 2009

kritisimo sa dula

mula sa isinulat ni doreen fernandez

Habang ang mga manlilikha ang ating timon sa yaman ng ating kultura at tradisyon, ang mga kritiko naman ang ang gagabay sa atin sa mga gawa ng mga manlilikha (Aguste Rodin). Kailangan ang mga kritiko na tatayo bilang bilang tagapagtanggol o taga libak sa nagbabagong sining at tradisyon na patuloy na nawawaglit sa kamalayan ng ating panahon. Ang mga kritiko mismo ang gumagabay sa mga manonood. Sila ang mga nagliliha ng mga magagaspang na gilid at hindi pa kinis na sulok na gawa ng sining. Para maiharap sa madlang manonood ang mas maganda at mas masustansyang katas sa halip na sapal ng isang gawa o palabas.

Patuloy ang pagbabago ng media at teknolohiya, pero parang hindi dito nakasasabay ang kritisimong kinakailangan ng panahon. Sa librong isinulat ni Doreen Fernandez na ‘Palabas’ (pg. 218-219) ‘A Plea for Critics’ hinimok niya at kanyang hiniling na sana ay mas marami pang manunuri ang lumabas. May mga ilan-ilan lamang ang sumagot sa kanyang hamon, kadalasan pay ay mga manunulat mula sa mga peryodiko at lathalain. Nanonood ng mga pagtatanghal at isinusulat ang mga puna nila rito. Nagagawa nilang maideposito ang mga kritisismo na maging salalayan at batayan ng mga susunod na pagaaral ukolsa dulang Filipino, nakapagbibigay sila ng mas intelektwal na pananaw ukol sa palabas at nakahihimok pa ng mas maraming manonood, nabibigyan nila ng mukha ang mga mandudula, artista at iba pang taong bahagi ng produksayon. Ayon na rin kay Fernandez (pg.225), ang kritisimo sa dula ay kagyat na kinakailangan dahil ang aktibo at patuloy na lumalaking hanay ay nangangailangan ng pupuna, mga kritikal na komentaryo at pagsasa-konteksto. Para sa mga mandudula, mga artista at manonood.

Pero ang tanong ko ay sino nga ba ang dapat magsulat ng mga kritisimong ito?

Bilang kritiko inilahad din ni Fernandez ang ilan sa mga dapat na taglaying criteria nito. May matinding pagmamalaskit sa dula, na sa tindi nito mahuhumaling sila sa bagbabasa ng lahat ng ukol sa larangan at aspeto ng dula. May tangan-tangang teyorang kritikal, makabuluhang lapit sa dula at balangkas na tatasa dito. May sapat na kasanayan at karanasan sa panonood ng ibat-ibang porma ng dula, sapagkat ang uri ng sining na ito ay hindi lamang dapat nababasa kung hindi ay napapanood ng buhay sa entablado. Ayon din sa kanya, makahahanap ng mga taong ganito sa lipunan, sila ay mga peryodista, nasa akademya at nasa mismong dulaan.

Ngunit sinabi din niya na ang magiging kritiko daw ay hindi dapat na manggaling sa dulaan, sa halip ay yuong mga nasa akademya, peryodista at mga deboto sa dula lamang. Maarin ding maging kritiko ang mga mandudula dahil taglay nila ang kaalaman at babad sila dito, buhos ang atensyon at matindi ang kanilang inilalaang panahon para dito. Pero higit pa sa mga nasa akademya, maaring matali sila dahil sa kanilang pagkasangkot rito. Dapat nilang iwasang mag komento o bigyang puna ang mismong dulang naging bahagi sila, may kinalaman o mga maski pa mga gawa ng kanilang kakumpetensya sa larangan. Maisasalang-alang daw kasi nila ang mga nakatrabaho nila at yung pang mga ibang bagay na maaring makapekto sa pag puna.

Sino na ngayon ang dapat na maging kritiko ng dula at bakit nga sila?

Naniwala akong ang bawat kritiko ay may kanikaniyang pinapanigan o bias. Mahirap maging purist at sabihing wala talagang pinapanigan sa kahit na anong diskurso. Sa mismong pagpili pa lang ng dula na bibigyan ng puna at kung paano ito aatakihin ay isang uri na ng bias. At ang mismong dula bilang sining ay hindi objective. Kaya nga may mga naaapektuhan ng mismong dulang ipinapalabas, nagagalit o natutuwa sa mismong mensaheng ibinibigay nito sa mga manonood. Hindi kaya nga ba mas dapat na maging kritiko ang mismong mga mandudula? Dahil mas alam nito ang pasikot-sikot at kasuluksulukan ng isang produksyon, kung paano nabubuo ang isang dula.

Pagtuunan din natin ng pansin ang kaibahan ng pagtalakay sa dula bilang isang rebyu at bilang isang kritisimo. Ang mga rebyu kagaya ng mga lumalabas sa diyaro ay gabay lamang para sa mga manonood ng dula. Hinuhusgahan nila ang pagtatanghal at kung ano ang maasahan ng mga manonood sa dito. Samantalang malalim na pagtatalakay ang ginagawa sa kritisimo kung saan ginagamitan pa ito ng mga teyorya, mga literary theories upang maipuwesto o maihanap ang kalalagayan ng isang dula. Mas akademiko ito at mas mahabang babasahin. Magkaiba pa rin ang kritiko sa isang simpleng reviewer lamang. Nakukuhang itaas nga mga kritiko ang antas ng simpleng panonood lang ng dula at napayayaman nito ang nagiging talakayan ukol sa mismong pandulaan. Pero hindi rin naman natin masasabing walang malalim na pinanggagalingan ang mga nagrerebyu ng dula.

Madalas nga na my overlap sa dalawa o napagkakamalang pareho lang sila. Basta sana ang ilalabas na artikulo ng dalawa ay produkto ng masidhiang pagninilay at nag-ugat sa malalim na pagkakaunawa sa dula at sa mga sangkap nito. At kapag binasa ng mga nakapanood o ng mga manonood pa lang ay hindi masasbing isang consumer guide lang ito. Ang magagandang nasulat ukol sa dula ay maaring humubog sa isipan ng mga manonood pa lang ng dula o sa mga mismong nakapanood na. Maari nilang sabihin na basura o kayamanan ang isang dula dahil lang sa impresyon na ibinigay ng nagsulat ukol dito maging reviewer o kritiko pa ito. Kaya dapat sana ay grounded ang maging hatol nila sa mas sistematikong ideya o sa mga kritikal na literary theories. Ating ipalagay na lahat ng manonood ng dula ay nagiiisip din, hindi lamang nandoon para tumawa, mag-aliw at mag-ubos ng oras. Ang dulaan ay para ring paaralan na dapat kapulutan ng bagong karunungan, at ang mga puna ng mga nagrererbyu at mga kritiko ang makaktulong sa pagpapatining dito.

Sa maraming pagkakataon hindi dapat magaganda lang ang marinig o mababasa nating puna mula sa mga taong ito. Punahin ang dapat na punahin at tamaan na nga ang tatamaan. Ang maganda ay maganda at pangit kung pangit, saan man daanin o ano man ang gawin. Isang bagay pa nga na ikinagagalit ni Rolando tinio sa kanyang ‘Dula sa dulaan’, na hindi naman daw sinasabi ang totoo sa dulaan kaya lalong lumalala ang sitwasyon nito.

Pero mababakas ito mula sa ating. Wala naman kasi tayong kinasanayang kultura ng pamumuna, kaya hindi natin tuloy masukat kung tama ba talga o hindi ang kanilang mga ginagawang puna. O dahil sa konti ng mga kritiko o gumagawa ng mga kritisimo ay ok na sa atin kung ano ang naisulat ng mga ito. Sa isang banda, mabuti na rin siguro na wala pa tayong nakasanayang kultura ng pamumuna, ibig sabaihin ay napakalawak pa at malaki pa ang maiuusad natin sa larangang ito at hindi pa paso ang mga mababasa dito. Sa larangan kasi ng pelikula ay marami ng nagsusulat kaya hindi mo na matutukoy kung alin ang parang tabloid item lang doon sa mga tunay na artikulong pinag isipang mabuti ang ginawang pagtatasa sa pelikula. Sa pagsulat ng kritisimo sa dula, maaring mahubog nito ang intelehenteng talakayan, ang tunay na isyung tinatalakay sa dula at ang mismong kabubuan nito. Bilang materyal at bilang puna sa lipunang kinapapalooban nito.

Ngayon ko naman nais na salungatin ang tinukoy sa artikulo ni Fernandez. Hindi yata sapat ang teyoryang napag aralan ng mga peryodista at mga nasa kademya para makasulat ng isang kritisimo sa dula. Una, ay nanatili silang taga labas at hindi bahagi ng isang dula o palabas, at masasabi pa ngang alien sila sa dito. Pangalawa ay hindi sila babad (exposed) sa mismong gawain, walang pinag iba sa isang tindera ng isda na nakikiaalam sa mangingisda kung paano ang tamang pagpapalaki sa kanyang mga alagang isda.

Oo nga’t alam niya kung ano ang isda pero hindi naman niya ito kasama araw-araw na halos iisa na ang hasang na kanilang hinihingahan. Pangatlo ay ang karanasan. Hindi sapat ang malaman ang mga teyorya at estilo ng tamang pagsulat ng kritisimo. Hindi sapat at lalong hindi nasusulat lamang sa libro kung papaano ang tamang pagtasa sa dula o sa isang palabas. Maaring nagiging emosyonal lang ako dito dahil kasangkot nga ako. Pero kagaya nga ng nauna kong nabagnggit, ang mismong materyal ng dula ay sinsabing hindi sapat na mabasa lamang. Dapat itong mailagay sa entablado at maging isang ganap na palabas para maintindihan.

Karanasan siguro ay mas mahalaga kaysa sa mga teyoryang napagaralan lang natin – mga teyoryang atin mismong hinimay at napatagos sa gawain sa tanghalan. Mga teyoryang tayo na mismo sa tanghalan ang nakasubok at nakakita ng katalaban. Teyoryang hindi hinugot sa kung saan kung hindi dahil sa napakahabang karanasan ay naging bahagi na ng sining na kinamulatan.
Nasasabi nating maganda ng isang nobela dahil sa dami na rin ng ating mga nabasang nobela, mahusay ang isang pelikula dahil sa dami na nating nakitang pelikula, maganda ang isang kanta dahil napakarami na nating narinig na kanta at bahagi na nga ating memorya. Pwedeng ang pagaaral ng mga teyorya ay makpagpapataas ng antas ng ating pagkilatis sa mga ito pero dapat muna ay mahubog ito ng sariling pagdaranas.

Napagtanto ko din naman ang nais ni Doreen Fernandez, ang konteksto na kanyang pinaggagalingan. Ayon sa kanya, hanggat maari ay huwag magsulat ng kritismo ang mismong writer, artista o direktor ng dula ukol sa kanilang produksyon. Maari ngang mapulaan ang isinulat nito. Pero ayon na rin naman sa isinulat niya sa ‘A Plea for Critics’ (pg.219) Ang gawain ng isang kritiko unang-unang ay para sa kanyang mambabasa (manonood) kaysa sa mga mandudula. Kapag sinabi niyang ang dula ay maganda, hindi niya ginagawa ito para papurihan ang manunulat kung hindi para ipaalam sa mga manonood na na ang dula ay dapat panoorin, masusulit ang ibibili nila ng ticket at ilalahad niyang lahat kung bakit.

Sasabihin niyang sa bukal ng sining pandulaan sa Pilipinas nakalikha ito ng isang mumunting lundong o gabundok na alon at kung saan ito mailuluklok sa tradisyon ng dulaan. Sasabihin din niyang sinasalamin nito, dumaragdag sa o pinatitingkad nito ang pagak Filipino at ang karansan nito – at kung papaano ito nagawa sa dula. Maari din niyang banggitin ang eksenang ‘pang entablado’ na nagpatunay na karapat dapat nga siyang panoorin. Pangalawa na lamang sa mga kritiko ang mabanggit ang mga mandudula at kung papaanong ang kanilang bagong likha ay maihahalintulad sa kanilang naitalang ambag sa pandulaan. Papaano ito mapagaganda maihahanay sa kaniyang mga nasimulan. Bilang artista ng bayan at mangagawang kultura, ang lahat ng ito noon pa ay amin ng dala-dala at hindi na pinaguusapan pa. Kaya mas papaboran ko ang kritikong galing sa aming hanay kaysa sa mga kritikong kaharap lamang ay computer, libro at mga kritikong kagaya din niya.

No comments: