January 7, 2009

kumpisal ng isang mall rat

Uumpisahan ko ang aking kumpisal sa pag aming kaya kong mabuhay sa loob ng Mall, siguro kahit na ilang araw o buwan pa.

Tama si John Fiske sa kanyang librong ‘Reading the Popular’ ng sabihin niyang ang mall ay isang katedral ng konsyumerismo (Fiske 1989). Papaano nga’y lahat ng hahanapin at kakailanganin ng isang mamimili ay naroroon na, maging produkto o serbisyo man ito. At ayon pa sa kanya, ang mga paninda ay maihahalintulad sa mga icons ng pagsamba at ang ritwal ng palitan ng pera at paninda ay maihahalintulad naman sa pangungumunyon sa misa. Siguro kasi sa pagpasok sa mall, ang tao ay nagkakaroon ng iisang karanasan o common experience. Ang maging consumer, maging ng aktwal na prokukto o kahit na imahe lamang. Ang taong pumupunta kasi sa mall, hindi naman lahat bumibili may mga tumitingin lamang. Ito yung mga nag-wiwindow shopping lamang o ‘proletarian shoppers’ (Pressdee 1986) mga taong nagpupunta sa mall na walang intensyong bumili, pero kumukunsumo ng espasyo at imahe at hindi ng paninda o serbisyo sa mall. Naaala ko tuloy dito ang kanta ni Dong Abay na ‘Esem’. “Patingin tingin, di naman makabili. Paamoy amoy ‘di naman makakain. Walang ibang pera kundi pamasahe at pambili ng dalawang yosi. Nakakainis ang ganitong buhay…”

Ang basa ko naman sa sinulat ni Roland B. Tolentino, ang mall ay isang popular na icon na sumasalamin sa kung ano ang ‘ngayon’, ito ang gusto ng tao kaya ito ang tinatangkilik. Totoong isang napakalaking espasyong panturisa ang mall kung saan inilalagay dito ang mga produktong nais nating ipagmalaki at tangkilikin ng mga mamimili. Kasabayan nito ang mga global brands mula sa naglalakihang imperyo ng mga designer clothes, bags at accessories. Sa mga produkto pa lang kitang-kita na ang tunggalian ng uri na tatagos sa mga mamimili nito. Ano ang bibilhin ni Mang Pandoy at sa kung ano ang Bibilhin ni Mr. Wilson. Lutang na lutang din dito ang tunggalian kung sino ang nagmamayari ng espasyo. Kung papaanong naitataboy ang ilang nasa mas mababang estado sa fine dining restaurant patungong fast food, ganun din sa mga floors na mukhang eksklusibo lang sa may pera at pag wala ka ay itsa pwera ka na. At dahil nga sa isang iglap ay nai-tatranspot tayo ng isang mall sa isang ideal na mundo, nageenjoy tayo dito. Lumilipas ang oras na hindi natin napapansin, nakaalis tayo sandali sa isang pagkakataon sa mga bagay na hindi natin gusto. Ang paglipad ng oras sa mall at paghihiwalay ng uganyan sa panlipunang realidad ay nagaganap dito. Isang controlled at artificial na environment, kung saan ang lamig, halaman maging huni ng hayop at agos ng tubig ay kaya nitong manipulahin at idikta kung papaano ito gagalaw. Kakaiba talaga sa mga nararanasan natin sa labas kung saan mainit, maalikabok at mabaho. Artipisyal na kaligiran ng mall na panandalian vs. totoong kaligiran nating nararansan sa labas nito.

Hindi ko rin maintindihan pero may ibang euphoria na dala ang mall. Ang mga bata ay hindi magkamayaw sa dami ng pwedeng bilhin, kainin, sakyan at paglaruan. Samantalang ang matatanda ay hindi lang basta nahahapo sa pagod ng paglalakd kungdi sa pagkukuwenta din ng nagastos at ng babayaran sa credit card. Ako mismo ay nakararamdam ng empowerment kapag nasa mall ako, nagiging makapangyarihan ako sa isang sandali. Nagagawa kong makakapgpalinis ng kuko sa paa, gupit ng buhok, nakakapagbanyo ng matiwasay at tunay na nakakapag relax sa spa. Maari kong kainin ang nais ko, bilhin ang gusto at mapasaya ang aking pamilya. Lahat ng ito ay nangyayari tuwing sweldo. Nakaalis ako sa role sa opisina at napagsisilbihan ng ibang tao kahit sandali. At ngayon nagagawa ko na ditong magehersisyo at pati na ang magsimba.

No comments: